Bagong Ginebra. (Photo courtesy of Sports5) |
Bakit sa tuwing nagmimintis yung idol mo, sa tuwing kumakagat sa peke ng kung sinong mas maliit sa kanya si Japeth o kaya naman e natatalo sa pwestuhan si Greg Slaughter sa ilalim, kung maka rant ka sa social media akala mo e isinanla mo ang kaluluwa mo sa demonyo sa laki ng ininvest mo sa Ginebra?
Ano ka, stockholder?
Pasintabi sa mga nakararami, pero sa tuwing masama ang timpla ng Ginebra sa PBA paulit ulit ko na lang nababasa yung sinisisi ang lahat. Ang coach. Ang sistema. Si LA Tenorio. Yung referee. Kulang na lang talaga e isisi natin ung sunod sunod na talo na sinasapit ng Ginebra ngayong PBA Philippine Cup sa balbas kambing ni Mark Caguioa para matapos na ang lahat.
Pero bakit nga ba nagkaganito ang mga fans ng Ginebra? Bakit parang hindi nila maatim na natatalo ang kupunan nila? Anong era ba ang kinalakihan ng mga #NSD na ito? Siguro, yung panahon na nina Caguioa, Jayjay Helterbrand at Eric Menk. Yun lang kasi ung panahon na nagsisipanalo yung Ginebra. Pero kung titingnan mo yung koponan na yon, mas San Miguel ang itsura nila kesa Ginebra. Mas elitista kesa masa. Eric Menk at Rudy Hatfield ba naman ang 1-2 punch mo sa ilalim, tapos yung dalawang slang na may twang ung mga gwardya mo.
Iba kasi yung kinalakihan ko na Ginebra. Yun ung tunay na Never-Say-DIE. Si Robert Jaworski, Sr. yung coach. Yung team, siguro 3-4 lang ung masasabi mong pwedeng maging starter sa ibang koponan. Yung iba, pang bangko. Yung iba, pang retire na dapat o kaya sa ligang labas na lang dapat maglaro. Yung isa nga, apelyido lang ang puhunan kung tuusin.
Ginebra fan ako lumaki. Underdog. Kahit na may Marlou Aquino kami nun 1996, hindi mo masasabing dominante syang player talaga. Hindi ko to minana sa mga magulang ko at sa mga magulang nila. Alaska fan si mama. Sexy legs Jolas. Flying A. Si Papa, pilota ang laro. Yung parang tennis kalaban pader. Di ko alam bakit niya nahiligan yun. Pader ang kalaban. Daig pa nag titikol sa pagiging soloista e.
Mabalik tayo sa Ginebra.
Suntok sa buwan kung manalo ang Ginebra noon. Parang larong kalye. Minsan nga, parang larong tae pa. Si Bal David, mabilis, maliksi, makulit. Pero hilaw. Si Aquino, dinadaan sa gulang sa ilalim ang lahat. Ang mukhang lehitimong basketbolista lang talaga sa team ay si Vince Hizon at Noli Locsin-- kung fundamentals lang ang pag uusapan. Pati na si Pido Jarencio siguro, pero ang tanda niya na non.
Bawat laro, palaban. Tambak, pero makulit. Humahabol. Masaya ang laro. Buhos. Kaso laging talo. Kaya nga napakanta si Gary Granada di ba? Tapos nag himala ang langit nung nag kampeon nung nagpahiyang at nag palit ng pangalan?
Sanay kami sa talo. Yan ang tunay na Lahing Ginebra. Lumipas ang mga taon, lumipat na ako ng team. Doon ako sa mas underdog. Doon na ako sa larong Ginebra kahit iba ang pangalan. Dami na din kasi nagbago sa Ginebra.
Pero doon sa mga nagsasabing Ginebra fan sila, sana, kalma lang. Ano ba ang gusto nila, laging panalo ang Ginebra? Nasaan ang saya doon? Gusto ba nila maging Dynasty din yung team nila parang Purefoods at San Miguel? Pwede din. Pero asan ang pagiging underdog doon?
Sa roster na mayroon sila, hindi naman malayo mangyari yun. Puros mga bata pa players ng Ginebra. Bago din ang sistema. Darating din ang araw at magbubunga ang lahat.
Sabi nga ng matatanda:
PUTA, KALMA.
Ganyan daw Ginebra ngayon. Si Caguioa nga nagpost pa sa instagram wag daw siyang pahirapan ng idol niyang si Paul Lee. Hahaha.
ReplyDeleteDi na uso sa kanila ang angas at rivalry.