Photo credit to PBA.Inquirer.net |
Kamusta kayo? Matapos maabot ang alapaap nung kapaskuhan at pauwiing luhaan ang napakarami ding Star Hotshots fans, eto kayo ngayon at sinusubukan bumawi sa mapait na pagkatalo kagabi sa Global Port.
May dahilan ba kayo para magalit?
Oo. Kahit sabihin pa ng iba na hater niyo ako (na hindi naman, dahil kung Ginebra die-hard talaga kayo e dapat alam niyo kung saan ko nakuha itong pangalan ng blog ko, bilang dati akong kasapi), may punto naman talaga. Lagpas limang segundo naman talaga kung bibilangin maigi. Kaso hindi binilang. At hindi ni-review. Pinaubos na lang ang oras, at tapos na ang basketball.
Mayroon kayo hanggang 12 pm kanina para mag protesta, na hindi ginawa ng mismong koponan na kinababaliwan ninyo. Ibig sabihin, bilog lang talaga ang bola. Breaks of the game ika nga. Kung tutuusin, may pwersa si Alfrancis Chua na team governor at Tim Cone na head coach para mag protesta. Siguro kung nag file sila, ginawan ng replay ang laro agad agad. Hindi lang dahil sa kapangyarihang hawak nila, kung hindi para na din sa inyong mga manonood at taga hanga. Pero hindi nila ginawa, tinanggap na lang nila ang pagkatalo. Ganun talaga ang buhay.
Ang layo ng narating ng Ginebra ngayon kay Cone kumpara sa nakaraan na papalit palit kayo ng coach at sistema. Papalit palit ng go-to-guy. Isang araw kay Greg Slaughter naka focus ang atake, sumunod na araw binabangko kasi ang gusto takbuhan. Ngayon, ke mabagal o mabilis, hindi pwedeng wala si Slaughter sa usapan. Siya ang main man ng Ginebra. At nararapat lang. Kahit sabihin ng iba na malambot, 20-10 automatic na halos ang bata ninyo. Konting tapang lang. Konting tigas pa.
Sa nakita natin this conference, okay si L.A. Tenorio. Hindi na siguro muna natin makikita yung Tenorio nung unang taon niya sa team na binuhat niya talaga kayo, pero anjan pa rin siya at magaling pa din talaga. Hindi naman niya kelangan mag score ng 20 para manalo kayo. Si Japeth Aguilar, kulang lang talaga sa diskarte. Halata mo na kelan lang talaga nag simula mag basketball gaya ni Slaughter. Kaya may kulang pa. Pero sa sistema ni Cone, simple lang naman yan. Either gawin mo papel mo, o trade ka niya kahit sino ka pa.
Siguro kaya masakit din ang pagkatalo kasi alam natin na eto na yung huling sayaw nung 2 MVP ninyo, si Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand. Na umoonti na lang ang oras nila. Literally, dahil si Helterbrand nga minsan na lang pawisan sa court. Pero hindi ba ito din hinihingi ninyo noon? Na i build up na yung mga bata? Ayan na si Sol Mercado, tapos yung rookie niyo na alien maglaro si Scottie Thompson. Mamaw yung batang yun. Hindi yan bibitawan ni Cone. Diskarteng Alaska-Jolas na point guard ba naman.
May Joe DeVance at Jervy Cruz pa kayo. Si DeVance di gaano binabad nitong conference, malabong sa bangko lang yan. Tingin ko ibabad na din yan bilang kapalitan ni Japeth pagpasok ng mga imports. Biruin niyo, BPC contender din yan, prime pa din, pero bench player niyo lang. Si Jervy, trabahador din yan. UAAP MVP. Ayos na ayos yung rotation niyo sa frontline.
Si Chris Ellis, si Jordan Pippen, hindi ko alam. Pasensiya na kayo pero usapang totoo lang. Athletic. Mabilis. Maliksi. Pero walang diskarte. Walang depensa. Hindi marunong magbasa ng sets. Hindi alam saan pwepwesto. Kumbaga, larong high school/ college pa din. Walang tiwala sa shooting-- ilang beses siyang iniwan ng tao niya kagabi? Si Pido Jarencio na mismo nagpapaalala sa mga bata niya tuwing time out na WAG BANTAYAN SI ELLIS. Hayaan lang. Kasi wala naman gagawin. At wala naman ginagawa. Galing injury ata di ba nung off season? Ewan lang natin. Sana nga. Sana matuto din under Coach Tim. Sabi ng iba, Alex Mallari daw nagawan ng paraan. E si Mallari, matulis talaga na attack PG sa PBA DL. Si Ellis, monster numbers kasi nag 3-4 puro talon dakdak putback. Ngayong may mga kasing laki at mas malaki na syang kalaban sa pwesto niya, wala na.
Kunin niyo na lang si JC Intal ulit.
Hinde, biro lang. Slight.
Suma tutal ang lakas ng Ginebra on paper. Ang laki ng frontline ninyo Slaughter-Aguilar-DeVance. Next conference saksakan mo ng isang import yan (at hindi ko naalala na nag kuha si Coach Tim ng hilaw na import ever), sino pa pipigil sa kanila? Yung mga guards niyo, siguro kelangan lang mag practice ng shooting pa, pero matitindi din naman talaga. Mabuti nga na natalo kayo ngayon, ngayong FIRST conference niyo pa lang magkakasama sa TUNAY na TRIANGLE OFFENSE na talagang LAHAT ay SUMUSUNOD. Sa BMeg ganun din naging takbo ni Coach Tim, talo muna. Tapos nagpapanalo. Nawili nga sila doon e. Sa Alaska, jusme, ang tagal ng inantay nila bago naging tunay na dynasty noong 90s.
Pero eto nga, ano ba ang kinagagalit ninyo? 8 years na kayo nag aantay di ba? Onti na lang mga idol. Si Tim Cone na bahala sa inyo. Wala ng mas gagaling pa kay Cone sa larangan ng coaching sa PBA. Patay na yung isa (sumalangit nawa) at yung isa, corporate/ Gilas na.
Okay lang makipagtalo. Okay lang masaktan. Okay lang mag rant sa social media. Pero hanggang doon na lang. Yung batuhan, wala na tayo sa 70s. Hindi na uso mga gangster at nag aangas ngayon. Hanggang Internet na lang yung karamihan jan. Sibilisado na tayo ngayon. Lahat may aral na. Lahat bukas na ang isipan.
Kalma lang.
Ang galing mo magsulat. Swak na swak.
ReplyDeleteI agree sa mga sinabi mo kina Japeth at Ellis.
Si Japeth, pure athletics, all height, no decision-making.
Akala niya siya si Kevin Durant.
Si Ellis, hindi na uso ang ganyang hulma nang player ngayon.
Naghihintay lang ng play para maka-showtime.
I guess ganyan din si Cyrus Baguio dati until nagmature, natuto pumukpok, magkangipin, magka-angas, sa ilalim ni Tim Cone sa Alaska. Kung magagawa rin yan ni Ellis ngayong na kay Tim Cone na rin siya.
Pero kung hindi, I agree with you, malamang iba na team nila sa susunod.